Mga Awit 59:1 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, Oh Dios ko: ilagay mo ako sa mataas sa kanila na nagsisibangon laban sa akin.
Mga Awit 59:2 Iligtas mo ako sa mga manggagawa ng kasamaan, at iligtas mo ako sa mga mabagsik na tao.
Mga Awit 59:3 Sapagka't narito, kanilang binabakayan ang aking kaluluwa; ang mga makapangyarihan ay nagpipisan laban sa akin: hindi dahil sa aking pagsalangsang, o sa aking kasalanan man, Oh Panginoon.
Mga Awit 59:4 Sila'y nagsisitakbo at nagsisihanda na wala akong sala: ikaw ay gumising na tulungan mo ako, at masdan mo.
Mga Awit 59:5 Sa makatuwid baga'y ikaw, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, na Dios ng Israel, ikaw ay bumangon upang iyong dalawin ang lahat ng mga bansa: huwag kang maawa sa kanino mang masamang mananalangsang. (Selah)
Mga Awit 59:6 Sila'y nagsibalik sa kinahapunan, sila'y nagsitahol na parang aso, at nililigid ang bayan.
Mga Awit 59:7 Narito, sila'y nanunungayaw ng kanilang bibig; mga tabak ay nangasa kanilang mga labi: sapagka't sino, sabi nila, ang nakikinig?
Mga Awit 59:8 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, tatawa sa kanila; iyong tutuyain ang lahat ng mga bansa.
Mga Awit 59:9 Dahil sa kaniyang kalakasan, didinggin kita; sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog.
Mga Awit 59:10 Ang aking Dios pati ng kaniyang kagandahang-loob ay sasalubong sa akin: ipakikita ng Dios sa akin ang aking nasa sa aking mga kaaway.
Mga Awit 59:11 Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan; pangalatin mo sila ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila, Oh Panginoon na kalasag namin.
Mga Awit 59:12 Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi, makuha nawa sila sa kanilang kapalaluan, at dahil sa sumpa at pagsisinungaling na kanilang sinalita.
Mga Awit 59:13 Pugnawin mo sila sa poot, pugnawin mo sila, upang sila'y mawala: at ipakilala mo sa kanila na ang Dios ay nagpupuno sa Jacob, hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)
Mga Awit 59:14 At sa kinahapunan ay papagbalikin mo sila, pahagulhulin mo silang parang aso, at libutin nila ang bayan.
Mga Awit 59:15 Sila'y gagala na magmamanhik-manaog dahil sa pagkain, at maghihintay buong gabi kung hindi sila mabusog.
Mga Awit 59:16 Nguni't aking aawitin ang iyong kalakasan; Oo, aking aawiting malakas ang iyong kagandahang-loob sa kinaumagahan: sapagka't ikaw ay naging aking matayog na moog, at kanlungan sa kaarawan ng aking kabagabagan.
Mga Awit 59:17 Sa iyo, Oh kalakasan ko, aawit ako ng mga pagpuri: sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog, ang Dios ng aking kaawaan.