Mga Awit 80:1 Dinggin mo, Oh Pastor ng Israel, ikaw na pumapatnubay sa Jose na parang kawan; ikaw na nauupo sa ibabaw ng mga querubin, sumilang ka.
Mga Awit 80:2 Sa harap ng Ephraim, ng Benjamin at ng Manases, ay mapukaw nawa ang kapangyarihan mo, at parito kang iligtas mo kami.
Mga Awit 80:3 Papanumbalikin mo kami, Oh Dios; at pasilangin mo ang iyong mukha, at maliligtas kami.
Mga Awit 80:4 Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, hanggang kailan magagalit ka laban sa dalangin ng iyong bayan?
Mga Awit 80:5 Iyong pinakain sila ng tinapay na mga luha, at binigyan mo sila ng mga luha upang inumin ng sagana.
Mga Awit 80:6 Iyong ginawa kaming kaalitan sa aming mga kalapit bansa: at ang mga kaaway namin ay nagtatawanan.
Mga Awit 80:7 Ibalik mo kami, Oh Dios ng mga hukbo; at pasilangin mo ang iyong mukha at kami ay maliligtas.
Mga Awit 80:8 Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Egipto; iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo yaon.
Mga Awit 80:9 Ikaw ay naghanda ng dako sa harap niya, at napailalim ang ugat, at pinuno ang lupain.
Mga Awit 80:10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyaon, at ang mga sanga niyaon ay gaya ng mga sedro ng Dios.
Mga Awit 80:11 Kaniyang pinaabot ang kaniyang mga sanga hanggang sa dagat, at ang kaniyang mga suwi hanggang sa ilog.
Mga Awit 80:12 Bakit mo ibinagsak ang kaniyang mga bakod, na anopa't siya'y binubunot nilang lahat na nangagdadaan?
Mga Awit 80:13 Sinisira ng baboy-ramo, at sinasabsab ng mailap na hayop sa parang.
Mga Awit 80:14 Bumalik ka uli, isinasamo ko sa iyo, Oh Dios ng mga hukbo: tumungo ka mula sa langit, at iyong masdan, at dalawin mo ang puno ng ubas na ito,
Mga Awit 80:15 At ang ubasan na itinanim ng iyong kanan, at ang suwi na iyong pinalakas para sa iyong sarili.
Mga Awit 80:16 Nasunog ng apoy, at naputol: sila'y nalipol sa saway ng iyong mukha.
Mga Awit 80:17 Mapatong nawa ang iyong kamay sa tao na iyong kinakanan. Sa anak ng tao na iyong pinalakas sa iyong sarili.
Mga Awit 80:18 Sa gayo'y hindi kami magsisitalikod sa iyo: buhayin mo kami, at tatawagan namin ang iyong pangalan.
Mga Awit 80:19 Papanumbalikin mo kami, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo; pasilangin mo ang iyong mukha at maliligtas kami.